Sige na, tigil na

Pwede ba tigilan na ni Gloria Arroyo ang kakapaliwanag kung bakit minabuti niyang manatili sa Amerika habang nagdadalamhati ang maraming Filipino sa bagsik ng bagyong “Frank”.

Mas nakakadagdag sa kalamidad na dinarama ng sambayanang Pilipino.

Bising-bisi si Press Secretary Jesus Dureza sa kanyang press release kung saan pinagyayabang ni Arroyo ang limos na nakuha niya sa Amerika dahil nandoon siya at naghahabol maki-pagusap kay George Bush, ang kapwa niyang laos na presidente, at ang dalawang kandidato para presidente sa nalalapit na eleksyon sa Amerika.

Binayaya-an siya ni John Mc Cain, kandidato ng Republican, ng 15 minuto na pag-uusap. Hindi siya nakasingit kay Barack Obama, ang popular na presidential candidate ng Democrats. Ngunit sa kakakulit niya, tinawagan na lang daw siya at nag-usap sila sa telepono. Sabi ng report, tuwang-tuwa raw si Arroyo pagkatapos sila mag-usap ni Obama sa telepono.

Sa kanyang talumpati sa Davao del Sur, sabi niya mahalaga raw ang kanyang “first-hand” contact kina Mc Cain at Obama kung saan nag-usap raw sila ng “far -ranging” o malawak at maraming mga isyu.

Ha? Akala ko ba 15 minutos lang ang pag-uusap nila ni Mc Cain at ganoon rin kay Obama sa telepono.

Nakakatawa itong si Arroyo (huwag na tayo mai-inis. Sayang lang ang emosyon). Halatang guilty. Di ba ganyan ang tao kapag alam niyang nabuking siya, paliwanag na paliwanag siya na para sirang plaka?

Sa Amerika, nakakahiya nga ang ginawa niya sa harap ng US-Asean Business Council kung saan pinagtatanggol niya ang kanyang biyahe doon sa gitna ng kalamidad sa Pilipinas. Pinagyabang niyang “hands -on” daw siya na presidente kahit absent siya.

Ipinagyabang ang abuloy na nakuha niya sa Amerika. Binola pa tayo. Bakit ang China at Myanmar at ibang bansa na nagkaroon ng kalamidad, kailangan bang poumunta sa Amerika ang kanilang pangulo para makakuha ng abuloy?

At magkano ba ang ginastos niya at ng kanyang kasamahan sa eroplano, sa hotel at iba bang bagay. Kulang ang P500 milyon. Magkano ang kanyang nakulang abuloy? Swerte na kung may P100 milyon.

Ngayon naman na bumalik siya, walang tigil ang photo-op. Dinadala na lang sa kodakan.

Wala naman dapat ipaliwanag si Arroyo dahil ang kanyang biyahe sa Amerika sa gitna ng kalamidad sa Pilipinas ay nagpapatunay na kaya ng Pilipino kahit wala siya. Dapat nga hindi na siya bumalik kasama na ang kanyang buong pamilya. Yan ang dapat malaking pabor sa sambayanang Pilipino.

Other articles:

This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Comments are closed.